Chapter 19
Chapter 19
"HAVE you heard the news?"
Humigpit ang pagkakahawak ni Alexander sa kanyang cell phone. Hanggang sa mga sandaling iyon,
pakiramdam niya ay binabaha pa rin ng emosyon ang puso niya. Kay tagal niyang hinintay ang
pangyayaring iyon. Noong nabubuhay pa ang kanyang ama ay halos mawalan na siya ng pag-asang
darating pa iyon.
Kahit na hindi nakikita ang kausap ay tumango si Alexander. "Yes. Tinawagan ako ni Ysmael kanina." RêAd lat𝙚St chapters at Novel(D)ra/ma.Org Only
Tukoy niya sa kanyang abogado. "Thank you for everything, Connie."
"Ako ang dapat magsabi niyan sa 'yo, Alex. So... what's your plan? Pupuntahan mo na ba si Miranda?"
"Hindi. Pero siya ang papupuntahin ko sa akin. Silang dalawa ni Alexis. Nagpatawag ako ng press
conference. Gagawin ko na ang matagal ko nang dapat ginawa." Sa sinabi ay napuno ng kaba ang
dibdib ni Alexander. "Ikaw, ano nang balak mo?"
"I'm going to chase my man. Best of luck in chasing yours, Alex. Hangad ko ang kaligayahan mo... ang
kaligayahan n'yong tatlo nina Miranda."
"I wish you the same, Connie." Si Miranda ang sumunod na tinawagan ni Alexander nang mawala na si
Connie sa kabilang linya. Matapos itong makausap ay natetensiyon na pinagsalikop niya ang mga
kamay. Sa dami ng utang niya sa kanyang mag-ina, makapagbayad pa kaya siya?
"I'VE NEVER been happy. Never, Diana. Except when I'm with you. Pero ngayon, kahit kasama na kita,
wala na 'yong saya na 'yon. Dahil alam kong nasasaktan kita." Sandaling nag-iwas ng tingin kay Diana
si Alexis. "Kaya kahit mahirap, pipilitin kong ibalik 'yong nawalang saya na 'yon. If you truly love Jake
and you decide that you still want him in your life, I will never question that anymore." Nang muling
humarap sa kanya ang binata ay sinikap nitong ngumiti. "Ang mahalaga, natupad ko na ang gusto ko.
Naiparamdam ko na sa 'yo ang pagmamahal ko."
"I'm sorry."
Nahinto sa pagbabalik-tanaw si Diana nang marinig ang mga sinabing iyon ni Jake. Mula kay Janna na
hindi pa rin nagkakamalay hanggang sa mga oras na iyon ay lumipat ang mga mata niya sa binata. Si
Alexis mismo ang naghatid sa kanya sa ospital pero hindi na ito pumasok sa mismong kwarto na
kinaroroonan ng anak ni Jake.
"I know just how compassionate you are, Diana. I've witnessed that many times. Iyon ang isa sa mga
dahilan kung bakit mahal kita. Dahil ikaw iyong uri ng tao na parating makakakita ng mabuti sa kapwa
niya sa kabila ng mga pangyayari. Kaya natakot ako na baka kapag nalaman mo ang tungkol kay
Janna, makipagkalas ka sa akin." Napayuko si Jake. "Hindi na kita nagawang maipakilala sa kanya
dahil-"
"Dahil alam mong hindi rin 'yon magugustuhan ng bata. The little girl still hopes that she, you and Lea,
will still become a family together. At hindi ko siya masisisi. Walang bata na hindi naghahangad mabuo
ang kanyang pamilya." Ngayong nakita ni Diana sa malapitan si Janna at napagmasdan ang
napakainosente at napakagandang mukha nito ay naalala niya si Alexis. Hindi niya man nakita ang
side na iyon ng binata ay alam niyang minsan rin itong umasa gaya ni Janna.
Simula nang nangyari sa kasal ay hindi niya naisip na makakaharap niya si Jake nang ganoon kaaga.
At nakasisiguro siya na kung noon mismong araw ng kanilang kasal niya narinig ang paliwanag nito,
siguradong sagad hanggang langit pa rin ang galit niya rito. Dahil sadyang kay hirap maunawaan ang
panig nito.
Naghangad si Jake ng pangmatagalang relasyon kasama siya pero ipinagkait nito sa kanya ang
katotohanan, ang kakayahang makapagdesisyon kung magagawa niya bang tanggapin si Janna o
hindi. Paano siya makatatagal sa isang relasyon na hindi tiwala ang pundasyon?
Pero ngayon, kahit na kaunting galit o negatibong emosyon ay wala na siyang makapa pa sa puso
niya. Dahil nang makita niya si Jake, lahat ng katanungan sa isip niya ay agad nang nabigyan ng
kasagutan.
Oo, minahal niya si Jake. Inihanda niya na ang sarili sa isang hinaharap na kasama ang binata. She
was starting to visualize. Dahil iyon ang itinatak niya sa isip na dapat niyang gawin. Dahil desperada
siyang makatakas mula kay Alexis. Ginawa niya ang lahat para mag-work out ang relasyon nila dahil
desperada siyang patunayan na tama ang desisyon niya. Na kaya niyang maging masaya nang wala si
Alexis sa buhay niya. At... nagawa niya.
Napagtagumpayan niya ang ilang buwan nang wala si Alexis. Naging masaya siyang kapiling si Jake.
Pero hindi niyon napantayan ang saya na nararamdaman niya kapag kasama niya si Alexis. Wala na
palang kailangang timbangin. Dahil si Jake, ibinukas niya ang puso para rito. Itinatak niya ito sa
kanyang sistema dahil kailangan niya ito para patunayan sa kanyang sarili na may magmamahal pa rin
sa kanya. Kailangan niya ito para maramdaman ang halaga niya.
Pero si Alexis, kusang bumukas ang puso niya para rito. Hindi niya lang ito basta kailangan. Mahal
niya ito. Sa piling ng binata siya orihinal na masaya. Iyong uri ng saya na hindi pinipilit, kusang
nararamdaman. At kung itinuloy niya ang pagpapakasal kay Jake, baka pagkalipas ng dalawa, tatlo o
limang taon ay hindi niya na makilala pa ang sarili niya sa kapipilit ng mga bagay na hindi naman para
sa kanya. Sa kapipilit makaramdam, sa kapipilit pagkasyahin sa kasal ang pagmamahal na hindi
naman sasapat umpisa pa lang.
Inabot niya ang mga kamay ng binata. "I'm sorry, too, Jake."
"So, it's Alexis now, isn't it?" Malungkot na sinabi ni Jake nang mag-angat ng mukha. "Nararamdaman
ko noon pa man na may feelings ka para sa tinatawag mong best friend mo. Hanggang sa dumating sa
puntong hindi ko na alam kung sino ang mas mahal mo sa aming dalawa. Kung ako ba talaga o siya."
"I'm so sorry." Naluluhang ulit ni Diana. Nang salubungin ni Jake ang mga mata niya, saka niya
naitanong sa sarili niya kung nagawa niya nga ba talagang makita ang hinaharap kasama ito o bahagi
lang iyon ng pagpupumilit niyang mayroong makita. Because everything was proving to be a make-
believe tale... that she could be happy with him. Because she had to. Because she wanted to.
"Alam mo ba kung bakit nagmadali akong maikasal sa 'yo? Dahil natakot akong baka magbago pa ang
isip mo tungkol sa atin. Natatakot akong baka magising ka sa katotohanan na hindi talaga ako ang
mahal mo, na nagpapanggap ka lang dahil may gusto kang patunayan sa totoong lalaking nilalaman
ng puso mo." Ngumiti si Jake pero hindi iyon tumagos sa mga mata nito. "But I guess, hindi mo talaga
pwedeng ipilit ang mga bagay kaya nangyari ang kaguluhan sa kasal."
"Minahal kita, Jake. Iyong espesyal na uri ng pagmamahal na alam kong mananatili sa puso ko. You'll
always have a place in my heart. May butas sa pagkatao ko na tinapalan mo nang dumating ka. You're
like my soul mate, Jake. Nagkataon lang na kahit anong tapal pala sa butas, hindi sasapat. Darating at
darating ang araw na hihina ang pantapal at muling lilitaw ang butas. Alexis was that hole in my life.
Siya ang gumawa ng butas. Siya rin lang ang makakaayos niyon." Napasigok si Diana nang bumakas
ang sakit sa mga mata ni Jake. Inabot niya ito at mahigpit na niyakap. "I never wanted to hurt you."
"I know. I never wanted you to see me hurt, too." Gumanti si Jake nang mas mahigpit na yakap. "Pero
'wag kang mag-alala. Ngayon na lang 'to. Wala naman akong dapat pagsisihan, 'di ba? At least,
nagawa kong tapalan ang butas. Hindi man sapat pero nagawa ko. May nagawa ako para sa 'yo."
Muling pumatak ang luha ni Diana saka tumango. "Oo. May nagawa ka. Malaki. You changed my life,
Jake. Minahal mo ako. At habang-buhay kong ipagpapasalamat 'yon."
Sa loob ng ilang sandali ay hinayaan ni Diana ang sarili na makulong sa yakap ng binata. Matagal
silang nanatili lang sa ganoong puwesto. Naramdaman niya ang paggalaw ng mga balikat nito na
palatandaan ng pagluha din nito. Marahang tinapik niya ang mga balikat ni Jake. Dalangin niya na
sana magising na si Janna. Na sana, isang araw ay matupad ang kahilingan ng bata. Dahil sa kabila
ng lahat, mabuting tao si Jake. Hangad niya ang kaligayahan nito at ni Lea.
Sumilay ang isang ngiti sa mga labi ni Diana nang si Alexis ang sumunod na naalala. Hindi niya na
nagawang sagutin ang mga sinabi nito kanina dahil mabilis na itong nagpaalam. Pero mamaya,
sisiguraduhin niyang aayusin na nila ang mga dapat ayusin.
It's still you, Axis. It's always been you, you fool.
DAIG pa ang napaso na agad na napalayo si Alexis sa pinto matapos masilip sina Jake at Diana sa
loob ng hospital room. Hindi nakasara ang pinto roon, bahagyang nakaawang iyon kaya malaya niyang
nakita ang pagkakaayos ng dalawa sa loob.
Hindi niya nakayanang maghintay na lang sa labas ng ospital kaya bumalik siya sa kwarto ni Janna
pero iyon ang naabutan niya. Mahigpit na magkayakap sina Jake at Diana. May matamis na ngiti sa
mga labi ng dalaga na indikasyon na nagkapatawaran na ang mga ito. Iyon ang uri ng ngiti na mahigit
dalawang linggo niya ring hindi nakita kay Diana. At ngayon, sa kabila ng nakalulunod na sakit sa puso
niya ay masaya siyang makita uli iyon.
Nagmamadaling umalis na siya sa ospital. Ginawa niya na ang lahat. Ayaw na niyang ipagsiksikan ang
sarili sa isang kwentong hindi naman siya ang bida.
Pasakay na sana siya sa kanyang kotse nang mag-ring ang kanyang cell phone. Ilang sandali pa
siyang nagdalawang-isip nang makitang numero ng ama ang nakarehistro. Kahit na anong palit niya ng
numero ay parati itong may paraan para malaman ang contact number niya hanggang sa siya na
mismo ang napagod sa pagpapalit.
Not now, Vice.
Tuluyan na siyang sumakay sa kotse. Pero hindi tumigil sa pag-ring ang cell phone. Napapagod na
sinagot niya iyon. "Vice, utang na loob, sa susunod na araw na kayo mang-insulto. I'm too tired to fight.
Kayo ba hindi napapagod? Buong buhay ko, ito na 'yong ginagawa natin. Matagal ko nang tanggap na
hindi n'yo kaya ang magpakaama sa akin. But at least, be the public servant that you are and offer me
some peace and freedom-"
"Let's meet." Binanggit ng ama ang address. Pamilyar iyon kay Alexis. Isa iyon sa pagmamay-aring
hotel ng kanyang ama sa Maynila kung saan kasosyo nito ang ama ni Diana. Kahit kailan ay hindi pa
siya nakatapak roon. Hangga't maari ay iniiwasan niyang makatapak sa alinmang ari-arian ng ama.
"May importante akong sasabihin-"
"Vice," Napu-frustrate na natutop ni Alexis ang noo. "Ano'ng pang-iinsulto na naman ba 'yan-"
"Please, son. Let's meet."
Please. Son. Let's meet.
Apat na mga salita na hindi pa kailanman narinig ni Alexis mula sa ama. Napahugot siya ng malalim na
hininga. "Bakit ganyan kayo magsalita? Drop the sudden kindness, Vice. Pakiramdam ko tuloy sa
biglaang kabaitan sa boses n'yo, anumang oras, bibitayin na ako."
"Alexis-"
"On second thought, dying seems fun," Parang walang narinig na iminaniobra na ni Alexis ang
sasakyan. "Because right now, I really wish I was dead, Vice."
Tinapos niya na ang tawag at nagmaneho papunta sa hotel. Malayo-layo na rin ang nararating ng
kanyang kotse nang mapansin niya ang isang lumang asul na sasakyan na para bang sumusunod sa
kanya. Nagsalubong ang mga kilay niya. Pamilyar sa kanya iyon. Kung hindi siya nagkakamali ay pag-
aari iyon ng isa sa mga bodyguard ng kanyang ama na parating sinasakyan ng huli sa tuwing
makikipagkita sa kanya para hindi makahalata ang publiko.
Sinubukan niyang iliko ang sasakyan at gumamit na lang ng short-cut papunta sa kanyang
destinasyon. Pero gaya ng inaasahan, sumunod pa rin ang asul na sasakyan. Hindi na maganda ang
kutob niya. Dinampot ng libreng kamay niya ang cell phone sa dashboard at idinayal ang numero ng
ama na noon niya pa lang ginawa. Nang sumagot ito ay dere-deretso siyang nagsalita.
"Tell your minion to stop following me, Vice. Kung ginagawa mo ito para makasigurong dederetso ako
sa hotel, hindi na kailangan-"
"Alexis, what are you talking about? Wala akong inutusang tauhan para gawin 'yon. Ni hindi ko nga
alam kung nasaan ka ngayon. Tinawagan ako ng Mama mo. Pinuntahan ka niya sa condo unit mo
pero wala ka daw doon."
"Shit!" Hindi na nakasagot pa si Alexis nang banggain ng asul na sasakyan ang likuran ng kanyang
kotse kaya nabitiwan niya ang cell phone. Sunod-sunod ang naging pagyanig dahil sa walang tigil na
malalakas na pagbangga sa kanya ng sasakyan. Nawalan siya ng kontrol sa manibela nang
humampas ang ulo niya roon.
Sa muli niyang pag-angat ng ulo ay nahihilong napatitig siya sa daraanan. Nanlaki ang mga mata niya
nang makitang paderetso na ang sasakyan niya sa isang malaking puno. Sinubukan niyang iliko ang
manibela pero huli na. Sa loob ng ilang sandali ay halos mabingi siya sa lakas ng naging pagbangga.
Naipikit niya ang mga mata.
Sa gitna ng takot at hindi mailarawang sakit na gumagapang sa buong sistema niya ngayon, may
panibagong pakiramdam na namumuo sa puso niya. Kapaguran. Isang uri ng hindi matatawarang
kapaguran at pagsuko.
Sa nanlalabong isipan ay naalala niya ang mukha ni Diana. Sa kabila ng lahat ay nagawa niya pa ring
ngumiti. Mabuti na lang pala at sa huling sandali ay pinigilan niya ang pagiging makasarili at hindi
inilayo si Diana kay Jake. Mabuti at hindi niya kasama ang dalaga nang mga sandaling iyon.
"Alexis? Alexis! Sumagot ka! Anong nangyayari sa 'yo?" Narinig niyang sigaw ng ama mula sa cell
phone na hindi niya na alam kung nasaan. Ni hindi siya makagalaw para hagilapin pa iyon.
"Don't worry, Vice, I've suffered worst from you," bulong niya kahit pa alam niyang hindi na siya
maririnig pa ng ama.
Pumatak ang kanyang luha.
Isang mahabang-mahabang pahinga. Nang mga oras na iyon ay iyon lang ang tanging gusto niya.
Dahil pagod na pagod na siya sa kapipilit mabuhay.